Higit 1,800 magsasaka sa E. Visayas, tatanggap ng e-title

Higit 1,800 magsasaka sa E. Visayas, tatanggap ng e-title

January 26, 2023 @ 1:26 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Upang ipatupad ang kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipamahagi ang lupang agraryo sa mga magsasaka, aabot sa kabuuang 1,839 agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa Eastern Visayas region ang makatatanggap ng kanilang sariling electronic titles (e-titles) mula sa Department of Agrarian Reform (DAR).

Nabatid sa press release nitong Miyerkules, sinabi ng DAR na 2,591 electronic titles (e-titles) na binubuo ng 3,922 ektarya ng agricultural land sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT Project) ay ipapamahagi sa Enero 26.

Ayon sa DAR ang pamamahagi ng unang batch ng mga indibidwal na titulo na nabuo sa ilalim ng SPLIT Project ay gaganapin sa Visayas State University-Tolosa Campus auditorium.

Sinabi ni DAR Secretary Conrado Estrella III na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pabilisin ang pamamahagi ng mga titulo ng lupa sa mga ARB ngayong taon at magbigay ng mga serbisyong suporta upang matulungan silang mapabuti ang kanilang kalagayan sa pamumuhay.

“The SPLIT project intends to fast-track the subdivision of collective certificates of land ownership award (CCLOAs) of about 1.3 million hectares of land nationwide,” sabi Estrella.

“The SPLIT project was funded by the World Bank so that CCLOAs could be parceled and issue individual titles to the ARBs. We will release individual e-titles to protect and affirm the property rights of our ARBs,” dagdag pa ng kalihim.

Samantala kaugnay nito sinabi ni DAR Eastern Visayas Regional Director Robert Anthony Yu, sa kanyang bahagi, na kasama sa SPLIT project ay nasa 17,496 CCLOAs na sumasaklaw sa kabuuang 220,473 ektarya ng mga lupang pang-agrikultura na matatagpuan sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.

Kaugnay nito sa bilang, sinabi ni Yu na nasa 67,601 ektarya ang na-validate ng rehiyon, habang 3,922 ektarya ang nabigyan ng e-titles.

Nabatid na ang proyekto ng SPLIT ay nagsusumikap sa buong pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program sa pamamagitan ng pagbibigay-daan sa mga benepisyaryo ng magsasaka na magkaroon ng malinaw at tiyak na pagmamay-ari ng mga parsela ng lupang kanilang binubungkal; paghikayat sa mga magsasaka na pataasin ang kanilang produksyon at gumawa ng pangmatagalang pagpapabuti ng kanilang lupa; pagpapatatag ng pagmamay-ari, tenureship at kontrol ng mga lupaing iginawad sa mga ARB; at makabuo ng panandaliang pagkakataon sa kita para sa mga manggagawa sa proyekto na tatanggapin sa pagpapatupad ng proyekto.

Ayon kay Estrella sa isang naunang panayam na hindi epektibong magagamit ng mga magsasaka ang lupa upang kumita dahil hindi nila alam ang mga tiyak na sukat at hangganan ng lupang ibinigay sa bawat isa sa kanila.

Sa pagkuha ng mga magsasaka ng kanilang mga indibidwal na titulo, naniniwala si Estrella na mas maraming ARB ang mahihikayat na pahusayin ang kanilang mga landholding tungo sa pagtaas ng produktibidad ng sakahan at kita ng sambahayan. Santi Celario