Higit 1K bag ng ismagel na puting sibuyas nasabat sa Maynila

Higit 1K bag ng ismagel na puting sibuyas nasabat sa Maynila

December 3, 2022 @ 10:36 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Plant Industry (BPI), Bureau of Customs (BOC) at Department of Agriculture ang mahigit isang libong bag na naglalaman ng puting sibuyas sa isang warehouse sa Tondo, Maynila nitong Biyernes ng gabi, Disyembre 2.

Ang naturang storage facility ay sinugod ng mga awtoridad sa bahagi ng Sto. Cristo Street pasado ala-7 ng gabi.

Ayon kay BPI Project assistant at team leader Melvin Banagbanag, halos isang buwan na nilang binabantayan ang naturang warehouse.

“Iwasan natin bumili ng white onion kasi wala ito phytosanitary permit. Bawal na po bumili,” aniya.

“Bago pumasok ng Pilipinas, lahat ng importer kailangan kumuha ng phytosanitary permit at saka importation permit. ‘Pag wala, automatic smuggled na po iyon,” dagdag ni Banagbanag.

Ang babala na ito ay kasunod ng mga ulat na mas tinatangkilik ng mga tao ang puting sibuyas dahil mas mura ito kumpara sa pula.

“Kapag walang phytosanitary permit, hindi po siya safe kainin. [Baka] meron siya chemicals na nakahalo,” aniya.

“Illegal is mura kumpara sa local, kaya hinuhuli natin walang permit para matulungan famers natin at makabenta,” dagdag pa ni Banagbanag.

Ayon sa mga awtoridad, posibleng itinatago ang mga nadiskubreng sibuyas para manipulahin ang presyo sa merkado.

“‘Yung mga nag-smuggle, kung kailan kailangan ng tao, dun sila maglabas. Ngayong magpa-Pasko, kailangan ng sibuyas para sa mga handa. So tina-timing nila,” paliwanag ni Banagbanag.

Dinala na sa warehouse ng BPI ang mga nakumpiskang sibuyas. RNT/JGC