Higit 1K kababaihan nakinabang sa libreng serbisyo ng Pasay LGU

Higit 1K kababaihan nakinabang sa libreng serbisyo ng Pasay LGU

March 11, 2023 @ 4:44 PM 2 weeks ago


MANILA,  Philippines – Mahigit sa 1,000 katao babae man o lalaki ang nakinabang sa libreng serbisyo kahapon ng Lokal na Pamahalaan ng Lunsod ng Pasay na bahagi ng kanilang programa ngayong pagdiriwang ng women’s month.

Ayon kay Mayor Emi Calixto Rubiano mahigit sa 1,000 katao ang nabigyan nila ng libreng serbisyo tulad ng libreng laboratory test, ECG, xray at iba sa kanilang mobile laboratory na nakaparada mismo sa harap ng City Hall.

Bukod dito ay may libreng serbisyo ring inialay hindi lamang sa mga kababaihan kundi maging sa mga kalalakihan tulad ng libreng gupit, libreng legal na konsultasyon, kunsultasyon sa mata at libreng salamin, medical consultation, pagbabakuna ng covid 19 vaccines, job fair, at maraming iba pa.

Bandang alas 3:30 ng hapon nagsimula ang Zumba party na inilunsad ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Calixto Rubiano.

Sumali sa naturang zumba competition ang mga grupo ng mga kababaihan at mga ginang mula sa ibat-ibang barangay na nagpakita ng kanilang galing sa pagsasayaw ng zumba.

Bago ang kompetisyon nakilahok muna sa zumba exercise sila Mayor Emi, kasama si Vice Mayor Ding Del Rosario at mga konsehal kung saan nanguna sa harapan ng entablado ang sex bomb new generation at beteranang dance guru na si Joy Cancio.

Hindi naman nakaligtas si Mayor Emi na sumayaw ng sikat na ting ting tang TikTok dance sa harap ng entablado kasama ang sexbomb new generation at si Cancio.

Sa naturang zumba competition magwawagi ng P20,000 ang champion, P15,000 ang 2nd place, P10,000 sa 3rd place at P2,000 consulation prise sa mga hindi nanalong grupo.

Habang P5,000 naman sa best in costume, P5,000 sa most number of participants, P5,000 sa best female performer ang matatanggap ng mananalo. Dave Baluyot