Higit 1K residente lumikas sa baha sa Butuan

Higit 1K residente lumikas sa baha sa Butuan

January 11, 2023 @ 8:31 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Napilitang lumikas ang mahigit 1,000 residente mula sa kani-kanilang mga tahanan dahil sa matinding pagbaha dulot ng low pressure area.

Ayon sa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), ang mga apektadong barangay ay ang Libertad, Pangabugan, Maon, Villa Kananga, Imadejas, Ambago, San Vicente, at Bonbon.

Hanggang nitong Martes, nasa 1,237 indibidwal ang pansamantalang tumutuloy sa anim na evacuation center ayon sa CDRRMO.

Sa ulat, umabot ng hanggang bewang ang baha sa ilang lugar na pinangangambahan pa ng mga residente na mas tumaas kung magpapatuloy ang malalakas na pag-ulan.

Nagpadala naman ang Philippine Army ng 12-person team upang tumulong sa rescue operations ng CDRRMO, partikular na sa Barangay Libertad kung saan nagmula ang pinakamarami sa mga evacuees. RNT/JGC