Higit 1K Taal bakwit ‘homeless’ pa rin – DSWD

Higit 1K Taal bakwit ‘homeless’ pa rin – DSWD

February 6, 2022 @ 1:30 PM 8 months ago


MANILA, Philippines – Karamihan sa mga kababayan na inilikas dahil sa pagsabog ng Bulkang Taal ang nakabalik na sa kani-kanilang mga tahanan noong Enero 2020 subalit may 1,057 pamilya ang nananatiling naghihintay ng kanilang permanent relocation.

Base sa pinakahuling ulat ng DSWD Field Office sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon), may ilang pamilya ang nananatili pa ring namamalagi sa transition houses na suportado ng local government units (LGUs) at provincial government ng Batangas.

Ayon sa DSWD, may 172 pamilya ang kasalukuyang nananatili sa motor pool ng Talisay local government at naghihintay na makompleto na maitayo ang kanilang permanentang bahay.

Habang naghihintay na maaprubahan ang kanilang permanent relocation, may 300 pamilya naman ang nananatili sa Tent City sa Balete, Batangas.

Sinabi ng DSWD na may 585 pamilya na mula sa Ibaan, Batangas ang naghihintay din na maaprubahan ang relocation site kung saan itatayo ang kanilang permanent houses.

β€œThe affected families were provided food and non-food assistance worth more than P156 million. Of which, more than P43 million came from the DSWD, while more than P112 million came from concerned LGUs and other stakeholders,” ayon sa DSWD.

Idagdag dito, ang mga apektadong pamilya ay binigyan ng emergency shelter assistance na nagkakahalaga ng mahigit sa P19 milyong piso.

Samantala, ang mga displaced families na naapektuhan ng pag-aalboroto ng Bulkang Taal noong Hulyo 2021 ay nakabalik na sa kanilang mga tahanan sa kapareho ring buwan nang bumaba ang alert level.

Binigyan ang mga ito ng mahigit sa P16 milyong halaga ng tulong ayuda ng DSWD, LGUs, at non-government organizations. Kris Jose