Higit 1M OFWs na nawalan ng trabaho sa pandemya, inayudahan ng OWWA

Higit 1M OFWs na nawalan ng trabaho sa pandemya, inayudahan ng OWWA

July 8, 2022 @ 6:48 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Mahigit 1 milyong overseas Filipino worker (OFWs) na nawalan ng trabaho dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang tinulungan ng gobyerno mula nang magsimula ang pandemya dalawang taon na ang nakararaan, iniulat ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) noong Biyernes.

“From May 2020 to July 6, 2022, 1,030,344 returned OFWs have been given assistance by OWWA,” sabi ni OWWA chief Hans Leo Cacdac sa isang Facebook post.

Kasama sa tulong na may kaugnayan sa COVID-19 ng OWWA ang pagkain, quarantine accommodation, at transportasyon.

Sa kasagsagan ng pandemya, ang mga OFW pagkauwi nila sa bansa ay pinatutuloy sa quarantine hotels, kung saan sila mananatili hanggang sa sila ay magnegatibo sa COVID-19.

Bukod sa pagkain, binibigyan sila ng mga gamot at nagbibigay ng mga pangunahing bilihin.

Matapos gumaling mula sa virus, ang mga distressed OFW ay dadalhin pabalik sa kanilang sariling mga probinsya.

Ang mga apektadong Pilipino ay binibigyan din ng cash assistance na nagkakahalaga ng PHP10,000 (US$200) sa ilalim ng Abot-Kamay ang Pagtulong (AKAP) ng Department of Labor and Employment (DOLE). RNT