Higit 200 isnaberong drayber, inireklamo

Higit 200 isnaberong drayber, inireklamo

December 21, 2022 @ 11:38 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inireklamo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang higit 200 isnaberong taxi drayber o mga ayaw magsakay ng pasahero.

Ang bilang na ito ay ngayong lang Disyembre kung saan binuhay ng LTFRB ang kanilang Oplan Isnabero para maireklamo ang mga drayber na namimili ng pasahero.

Sinabi ni Atty. Jocelyn Tataro, LTFRB Franchise and Monitoring Division Officer-in-Charge nasa 208 na reklamo ang natanggap sa Oplan Isnabero at hotline mula December 1-19.

Karamihan sa mga reklamo ay nangongontrata, sobra ang singil, at hindi pagsasakay sa pasahero.

Ang mga pasaway na drayber ay agad umanong tiniketan ng mga enforcer sa mga mall, ani Tataro.

Pinayuhan naman ni Tataro ang publiko na huwag mag-atubiling magreklamo tungkol sa mga isnabero at nangongontratang drayber.

Pinaalala pa niya, may karampatang parusa sa mga drayber na pahirap sa mga pasahero.

Ang unang offense ay papatawan ng multang P5,000, ang ikalawang offense ay paparusahan ng P10,000 na multa at 30 days na pagkaka-impound ng sasakyan, at ang pangatlong offense naman ay may karampatang P15,000 na multa at pagkakakansela ng prangkisa. RNT