Higit 200 magsasaka nakatanggap ng 3.8K bag ng fertilizer

Higit 200 magsasaka nakatanggap ng 3.8K bag ng fertilizer

February 11, 2023 @ 4:02 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nasa 234 na magsasaka ang nakatanggap ng libreng fertilizer mula sa lokal na pamahalaan ng Tarlac City at Department of Agriculture (DA).

Ani Mayor Cristy Angeles, nasa 3,852 bag ng urea fertilizer ang ipinamahagi nitong Huwebes, Pebrero 9 sa mga magsasaka na labis napuruhan ng Super Typhoon Karding at Severe Tropical Storm Paeng na nanalasa sa bansa noong nakaraang taon.

“Talagang sobra-sobra naman ang bumababang tulong sa Department of Agriculture sa amin na nanggagaling sa national government,” ani Angeles, sa panayam nitong Biyernes, Pebrero 10.

Sinabi pa niya na nasa 64 typhoon-hit farmers ang nakatanggap na ng indemnity checks na nagkakahalaga ng P689,868 mula sa Philippine Crop Insurance Corporation bilang kabayaran sa mga napinsala ng dalawang bagyo.

Nakatanggap din ng iba pang uri ng tulong ang mga lokal na magsasaka mula sa DA, katulad ng libreng hybrid at certified seeds at iba pang agricultural inputs.

“The government is continuously helping our farmers with their expenses in their rice fields,” dagdag pa niya.

Siniguro naman ng lokal na pamahalaan na tuloy-tuloy ang pakikipag-ugnayan nito sa national government partikular na sa DA para sa suporta ng mga magsasaka.

“Sa ating mga magsasaka, huwag lang po tayong susuko. Tuloy-tuloy po nating gawin ang dapat nating trabahuhin and the city government, rest assured, is always here to support you in all your needs,” dagdag niya. RNT/JGC