Higit 2,000 sanggol, isinilang ng edad 10-14 kababaihan sa Pinas

Higit 2,000 sanggol, isinilang ng edad 10-14 kababaihan sa Pinas

November 26, 2022 @ 10:00 AM 3 months ago


MANILA, Philippines- Mahigit 2,000 sanggol ang ipinanganak ng mga kababaihan na nasa edad na 10-14  sa Pilipinas sa gitna ng pagbaba ng bilang ng mga nagdadalang-tao  o nabuntis na  may edad na 19 taong gulang pababa.

Sinabi ni  Commission on Population and Development (POPCOM) officer-in-charge Executive Director Lolito Tacardon na  “there might be some element of sexual abuse” kaya’t nabubuntis ang mga kabataang kababaihan sa  murang edad.

“We are monitoring. Malaki pa rin, around 2,000 pa rin mahigit ang pinapanganak sa mga bata na aged 10-14 which is really very alarming not only in the perspective of health but also in terms dun sa kanilang  overall well-being,” anito.

Hindi naman malinaw kung ang numero ay  mula sa isang partikular na taon o  average sa nakalipas na ilang taon.

Tinukoy ang kamakailan lamang na survey ng UP Population Institute, sinabi  ni  Tacardon na ang mga kababaihan na nabuntis at nanganak bago pa tumtuntong ng 19  taon ay bumaba mula 8.5% sa taong  2013 na naging  6.8%.

“We are looking at a slower increase in our population in the coming years because of this lowering fertility level sa ating mga kababihan,”  ayon kay Tacardon.

Nakikita naman aniya  ng POPCOM ang impluwensiya ng COVID-19 pandemic  bilang isa sa mga factor sa pagbaba ng fertility rate ng bansa.

“Noong [kasagsagan ng] pandemya, meroong sense ng pag volunteer mag family planning probably because doon sa hirap ng buhay. Naging conscious na sila doon sa kanilang kakayahan pagbuhay ng kanilang anak,”  anito.

Idinagdag pa niya na ang pagbaba sa birth rates ay isang oportunidad para paigtingin ang “good planning program.”

“Ang role po ng government ay if ever Filipinos would like to plan their family especially yung number of their children, ang lahat ng pagplaplano ay dapat available,” ayon kay Tacardo. Kris Jose

-30-