Higit 200K Christmas box naipamahagi na ng Manila LGU

Higit 200K Christmas box naipamahagi na ng Manila LGU

December 2, 2022 @ 7:17 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nasa higit 200,000 Christmas boxes na ang naipamahagi ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila sa “unang round” ng distribusyon nito sa lahat ng anim na distrito ng lungsod.

Pinangunahan nina Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan, kasama si Vice Mayor John Marvin Yul Servo Nieto, mga Kongresista, at mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ang pamamahagi ng Christmas food boxes kung saan nasa kabuuang 220,000 food box ang naihatid sa kada pamilya para sa 227 barangay sa anim na distrito sa Maynila.

Nabatid naman kay Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Mayor Lacuna-Pangan at nagsisilbing hepe ng Mayor’s Communication Office, inaasahang matatapos ng Lungsod ng Maynila ang pamamahagi ng halos 700,000 kahon sa Disyembre 12, 2022 na halos dalawang linggo bago ang araw mismo ng Pasko.

Matatandaan na nasa 695,000 Christmas food boxes ang inihanda ng lokal na pamahalaan para sa mga pamilyang Manilenyo na naglalaman ng bigas, spaghetti noodles at sauce, corned beef, keso, fruit cocktail, at gatas, na maaaring ihanda ng mga residente lalo na ng mga mahihirap pagsapit ng Noche Buena.

Bukod pa umano dito ang nasa 160,000 na hiwalay na gift boxes na inilaan ng lokal na pamahalaan para naman sa mga senior citizen ng siyudad.

Sinabi din ni Abante na 2019 pa nang umpisahan ng lokal na pamahalaan ang pamimigay ng Christmas food boxes na walang pinipili mahirap man o may kaya na residente. JAY Reyes