Higit 20K manggagawa apektado sa Zamboanga closed fishing season

Higit 20K manggagawa apektado sa Zamboanga closed fishing season

December 4, 2022 @ 11:30 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Umaabot na sa mahigit 20,000 mga manggagawa at mangingisda ang apektado ng closed fishing season na ipinatutupad sa Zamboanga City.

Kabilang dito ang mga nagtatrabaho sa allied services ng mga industriya ng canning at fishing na nangangasiwa sa mga cold storage facilities, mga tin can factory workers at packaging companies.

Matatandaan na nagpapatupad ng closed season sa nakalipas na 12 taon ang mga canning factories at ang mga fishing vessels na nanghuhuli ng tamban sa nasabing lungsod.

Ito ay bilang tugon sa BFAR Administrative Circular 255 na nagbabawal sa panghuhuli ng Sardinella, o tinatawag na tamban simula Disyembre 1 hanggang Marso 1.

Sa kabila nito, siniguro naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Zamboanga City na naghanda na sila ng alternatibong kabuhayan sa mga apektadong manggagawa habang umiiral ang closed fishing season.

Ayon kay DOLE Zamboanga City officer Wesley Tan, sa kabila nito sa mga nagdaang taon ay halos kalahati lamang ng 20,000 manggagawa ang sumasali sa programa dahil ang mga pribadong kompanya ay mayroon din na ibang paraan ng pagtulong sa kanila.

Ilan sa mga programang inilalaan ng DOLE ay ang Project HOPE (Helping Others Prosper Economically) at DOLE TUPAD (Tulong Panghanap buhay para sa ating Displaced, Disadvantaged Workers Program).

Sa datos, ang Zamboanga City ay mayroong 11 canning companies, 20 fishing companies at may ambag na 24% sa produksyon ng sardinas sa bansa. RNT/JGC