Higit 21M SIM cards, rehistrado na

Higit 21M SIM cards, rehistrado na

January 17, 2023 @ 7:30 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Pumalo sa mahigit 21 milyong SIM cards sa bansa ang nakarehistro na sa ilalim ng SIM Card Registration Act, hanggang nitong Enero 16, 2023 lamang.

Ayon sa Department of Information and Technology (DICT), batay sa datos na mula sa National Telecommunications Commission (NTC), aabot na sa 21,128,925 SIMs ang rehistrado na hanggang alas-11:59 ng gabi ng Enero 16, 2023.

Kumakatawan anila ito sa 12.5% ng kabuuang 168,977,773 milyong subscribers nationwide.

Nabatid na sa naturang bilang, ang Smart Communications Inc ang pinakamaraming nairehistrong SIM cards na nasa 10,386,685; sumunod ang Globe Telecom Inc na may 8,963,101 at DITO Telecommunity na may 1,779,139 naman.

Ayon kay DICT Spokesperson Undersecretary Anna Mae Yu Lamentillo, sa ngayon ay nakikipagtulungan sila sa mga local government units (LGUs) at mga telecommunication companies (telcos) para sa pagpapatupad ng SIM registration sa mga remote areas.

“The first SIM Registration rollout in the remote area of Masantol, Pampanga has provided valuable insights and the public can expect that SIM Registration will reach the country’s far-flung areas,” aniya pa.

Nagpaalala rin naman ang DICT na ang SIM registration ay dapat gawin lamang sa mga opisyal na channels, kabilang ang smart.com.ph/simreg o simreg.smart.com.ph para sa Smart; new.globe.com.ph/simreg para sa Globe at https://digital.dito.ph/pto/download/app para sa DITO.

Sakaling may reklamo, maaaring kumontak ang mga mobile users sa kanilang hotline na 1326.

Anang DICT, mayroon lamang 180 araw o mula Disyembre 27, 2022 hanggang Abril 26, 2023 ang mga mobile subscribers upang irehistro ang kanilang SIM cards upang makaiwas sa deactivation. Jan Sinocruz