Higit 22.2M SIM cards rehistrado na – NTC

Higit 22.2M SIM cards rehistrado na – NTC

January 20, 2023 @ 4:00 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Mahigit 22.2 milyong SIM cards ang rehistrado na tatlong linggo matapos umpisahan ang mandatory registration period, ayon sa National Telecommunications Communications (NTC) nitong Biyernes.

Sinabi ni NTC officer-in-charge Commissioner Ella Blanca Lopez na may kabuuang 22,298,090 SIM card registrants hanggang nitong Jan. 18, na 13.20% ng kabuuang 168 milyong active SIM subscribers.

Sa 22.2 milyon, ang Smart Communications Inc. ang may pinakamaraming registrants sa mahigit 11.1 milyon, na sinundan ng Globe Telecommunications sa mahigit 9.3 milyon at Dito Telecommunity sa mahigit 1.8 milyon.

“It is vital that we maintain, or better yet increase, the current pace of daily SIM registration to meet the deadline of 26 April 2023 for all SIMs to be duly registered,” ani Lopez.

Sa pulong sa mga kaukulang ahensya at telecommunications companies, sinabi ng NTC sna iminungkahi nito ang simultaneous roll-out ng SIM registration sa identified remote areas simula Jan. 25.

Inihayag ni Lopez na may kabuuang 45 lugar sa 5 rehiyon ang natukoy na “remote” at iko-coordinate pa ang mga lugar sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa Bangsamoro Telecommunications Commission.

Nagsimula ang mandatory SIM card registration noong Dec. 27, alinsunod sa Republic Act No. 11934 o SIM Registration Act. RNT/SA