Higit 22K indibidwal apektado ng Tropical Depression Maymay – NDRRMC

Higit 22K indibidwal apektado ng Tropical Depression Maymay – NDRRMC

October 14, 2022 @ 4:30 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inihayag ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Biyernes, Oktubre 14 na umabot na sa 22,681 ang mga indibidwal na apektado ng Tropical Depression Maymay.

Dagdag pa rito ang kasalukuyan pagbeberipika sa pagkasawi ng isang 52-anyos na mangingisda mula sa Cagayan.

Matatandaan ngayong araw din ay kinumpirma naman ng NDRRMC ang pagkasawi ng isang 47-anyos na lalaki na nalunod sa kasagsagan ng ulan dulot ng bagyong Maymay sa kaparehong probinsya.

Maliban dito, naiulat din na 261 katao sa Cagayan Valley Region ang inilikas na mula sa kanilang mga tirahan bago pa ang pananalasa ng bagyong Maymay at 785 na mga residente ang nananatili pa rin sa 17 evacuation centers.

Sa kabila ng pagkalusawa ng Tropical Depression Maymay, may banta pa rin dahil inaasahan naman lalapit sa Hilagang Luzon ang Tropical Depression Neneng ayon sa PAGASA. RNT/JGC