Higit 2,500 matatanda sa Maynila, nabakunahan na vs COVID-19

Higit 2,500 matatanda sa Maynila, nabakunahan na vs COVID-19

March 29, 2021 @ 2:16 PM 3 weeks ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines – Sinimulan na ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila ang pagbibigay ng libreng bakuna kontra COVID-19 sa mga senior citizen.

Napag-alaman na may labindalawang istasyon ang itinayo sa anim na distrito ng Maynila upang isagawa ang nasabing “mass vaccination” kung saan umabot na sa mahigit 1,240 na senior citizen ang nabakunahan ng AstraZeneca vaccine ngayong araw.

Batay sa datos ng lokal na pamahalaan, target na mabakunahan ang may 2,380 na senior citizen sa lungsod ng Maynila. Kabilang sa nasabing bilang ang mga naunang nagparehistro sa manilacovid19vaccine.com.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, prayoridad na mabakunahan ang mga senior citizen na nakapagpalista sa nasabing “pre-online registration” ngunit ang mga nakatatanda na nag-“walk-in” ay maaaring mabakunahan din basta’t may matitira pang vaccines para sa kanila.

Ang mga itinayong vaccination stations sa anim na distrito sa Maynila ay matatagpuan sa DISTRICT I – Brgy. 32 at Brgy. 128; DISTRICT II – Brgy. 154 at Brgy. 210; DISTRICT III – Brgy. 345 at Brgy. 377; DISTRICT IV – Brgy. 419 at Brgy. 576; DISTRICT V – Brgy. 704 at Brgy. 803 at DISTRICT VI – Brgy. 604 at Brgy. 627.

Ayon sa alkalde, ipagpapatuloy nila ang Manila Vaccination Plan (MVP) sa kabila ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod at pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ).

“When we have vaccines on hand, we have to vaccinate right away,” paliwanag ni Domagoso.

Matatandaan na sinimulan kahapon ang mass vaccination na AstraZeneca vaccine para sa mga senior citizen kahapon (Marso 28). Nagpakalat ng 12-ambulansya ang lokal na pamahalaan upang magsilbing vaccination stations.

Muling hinikayat ni Domagoso ang mga Manilenyo na magpalista na sa manilacovid19vaccine.com para makapagpabakuna na ng libre.

“Yung may mga lolo at lola, tulungan ninyo silang mag-register online,” panawagan ni Yorme.

Sa huling tala ng lokal na pamahalaan, nasa kabuuang 2,557 senior citizen na ang nabakunahan kontra COVID-19.  Jay Reyes


  •  
  •  
  •