Higit 2,600 pasaway na pulis naparusahan sa 2022 – PNP

Higit 2,600 pasaway na pulis naparusahan sa 2022 – PNP

January 2, 2023 @ 4:54 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Mahigit 2,600 pasaway at tiwaling mga pulis ang nakatanggap na ng iba’t ibang uri ng parusa sa taong 2022.

“Mahigit 2,000 nga pong police ang nabigyan ng iba’t ibang penalty simula po sa dismissal from the service, suspension, demotion, meron pa pong forfeiture of salary, restriction to units,” pagbabahagi ni PNP public information office chief Police Colonel Redrico Maranan nitong Lunes, Enero 2 sa isang televised public briefing.

Batay sa datos mula sa PNP Directorate for Personnel and Records Management (DPRM), naparusahan ang ilan sa mga tauhan nito dahil sa kasong administratibo bunga ng direktang paglabag sa rules and regulations ng PNP o pagkakasangkot ng mga ito sa illegal na aktibidad.

Sa kabuuang bilang ng delinquent personnel, 584 sa mga ito ang natanggal sa serbisyo, 164 ang na-demote mula sa ranggo at 1,225 ang nabigyan ng suspension terms.

Dagdag pa rito, mayroon naman na 456 ang napagsabihan at nasita, 117 ang nagkaroon ng salary forfeiture penalties, 26 ang pinagbawalan sa mga quarters nito habang 63 ang hindi binigyan ng ilang prebilehiyo.

Ang mga natanggal na pulis sa serbisyo ay napag-alamang sangkot sa AWOL cases, drug use, failure to attend court duty, violence against women at pagkakasangkot sa iba pang kriminalidad tulad ng pagpatay, carnapping, illegal drugs, robbery extortion at rape.

Inaasahan naman ni Maranan na sa 2023 ay mas magiging disiplinado na ang mga tauhan nito at gaganap sa tungkulin na nakaayon sa layunin ng PNP. RNT/JGC