Higit 2,900 pamilya apektado ng M-5.9 quake sa Davao de Oro – OCD

Higit 2,900 pamilya apektado ng M-5.9 quake sa Davao de Oro – OCD

March 9, 2023 @ 5:52 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Mahigit 2,900 pamilya ang naapektuhan ng magnitude 5.9 na lindol na tumama sa Davao de Oro noong March 7, base sa Office of the Civil Defense (OCD) nitong Huwebes.

Sinabi ni OCD Joint Information Center head Diego Agustin Mariano na mahigit 60 residente ang nagtamo ng sugat habang 1,800 pamilya ang inilikas sa evacuation centers.

“Sa ngayon po meron na po tayong P42 million mahigit na worth of cause of damage dulot po ng lindol po. Sa ngayon po meron tayong walong kalsada hindi pa po passable, lahat po ay nasa Davao de Oro,” pahayag ni Mariano.

Sinabi pa ni Mariano na nagkaroon ng power interruption saDavao de Oro, subalit, agad namang naibalik ang suplay ng kuryente.

Aniya pa, nakapagbigay na ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ng halos P6.243 milyong tulong na binubuo ng family food packs, tents, at sleeping kits para sa mga apektadong residente.

“Lalo na ngayong araw ginaganap ang national simultaneous earthquake drill nawa’y makibahagi tayo dito ng seryoso lalo na po yung pagconduct ng duck, cover, and hold kahit napakasimpleng protocol eh itong duck, cover, and hold  makakaligtas po sa atin, makakaminimize ng injuries, at makakabawas sa casualties,” anang OCD official.

“Kaya kahit paulit ulit nating ginagawa ito po ay para magkaroon tayo ng muscle memory na kahit tumama yung the ‘Big One,’ kahit tayo ay mataranta at matakot alam po natin ang gagawin dahil sa paulit-ulit na pagsasagawa ng earthquake drill tayo ay makakaligtas o makakaiwas sa sakunang dulot ng lindol po,” patuloy niya. RNT/SA