Higit 2K estudyante sa NCR balik sa F2F classes sa Lunes- DepEd

Higit 2K estudyante sa NCR balik sa F2F classes sa Lunes- DepEd

December 5, 2021 @ 2:48 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Mahigit 2,000 estudyante ng pampublikong elementarya at senior high school (SHS) sa Metro Manila ang nakatakdang bumalik sa in-person classes sa Lunes, ayon sa opisyal mula sa Department of Education (DepEd) nitong Linggo.

Ang mga estudyante na nasa Kindergarten hanggang Grade 3 at SHS ay mula sa 28 paaralan  sa National Capital Region na pinili upang makibahagi sa pilot phase ng in-person classes sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

“Isa po tayo sa pinakahuli [na nag-face-to-face classes] dahil kabababa lang ng ating alert level sa level 2,” pahayag ni Wilfredo Cabral, officer-in-charge ng office for the undersecretary of human resources ng DepEd, sa panayam sa TeleRadyo.

“Iyan po (mga paaralan) ay dumaan sa masusing paghahanda. Lahat ito ay sumunod doon sa patakaran na kailangang ma-achieve iyong ating safety seal using the school safety assessment tool,” ani Cabral.

Base sa listahan ng DepEd, sa 17 lokalidad ng NCR, Pateros lamang ang hindi makikilahok sa pilot run.

Iginiit naman ni Cabral na nakahanda ang protocols sakaling magpositibo ang estudyante o school personnel sa COVID-19.

“Kung mayroon lalabas na kaso, whatever variant, stop po agad ang ating implementation [ng face-to-face],” aniya. RNT/SA