Higit 2K med workers sa Las Pinas nabakunahan na

Higit 2K med workers sa Las Pinas nabakunahan na

March 15, 2021 @ 4:05 PM 1 year ago


Manila, Philippines – Nabakunahan na ang 2,000 medical at healthcare frontliner ang nabakunahan laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) mula sa iba’t ibang ospital sa Las Pinas City simula nang umpisahan ang vaccination roll out ng Lokal na Pamahalaan nitong Marso 9,2021.

Ang vaccination program ng Las Pinas City Government na may temang “Ligtas na Las Pinero,Lahat Bakunado” ay sinimulan nitong Marso 9, sa isang  itinakdang vaccination site sa University of Perpetual Help System Dalta (UPHSD) Gymnasium sa Barangay Pamplona Tres.

Unang naturukan ng gawang China na Sinovac vaccine ang 300 medical at health care front-liner ng Perpetual Help Medical Center (PHMC).

Sinundan ito ng pagtuturok ng bakuna ng Sinovac at Astrazeneca para sa iba pang front-liners sa vaccination site sa UPHSD gymnasium at sa ikaapat na palapag ng Las Pinas Doctors Hospital (LPDH).

Nabatid na daan-daang medical,health care front-liner at empleyado ng PHMC,LPDH,Pope John Paul II Hospital and Medical Center, Christ the King Medical Center,A. Zarate General Hospital at Alabang Medical Center ang naturukan na ng bakuna kontra COVID-19.

Nagpatuloy pa rin ang pagbabakuna kahapon, Marso 15 ng AstraZeneca vaccine sa 200 empleyado ng PHMC kaya umabot na sa 2,029 front-liner ang nabakunahan na layuning mabigyan sila ng proteksiyon laban sa sakit ngayong panahon ng pandemya.

Unang ibinuhos ng Las Pinas City Government sa ilalim ni Mayor Imelda “Mel” T. Aguilar ang P250-milyong pisong pondo para sa pagbili ng mga bakuna at karagdagan pang COVID-19 vaccines  at nasiguro nito ang 500,000 doses na bakuna na target mabakunahan ang lahat ng mga taga-Las Pinas upang tiyakin ang kanilang seguridad sa kalusugan, kaligtasan at kapakanan.

Muling nanawagan ang alkalde sa mga residente na patuloy na mag-ingat,maging disiplinado at manatiling sumunod sa health and safety protocols upang mapagilan ang pagkalat ng sakit sa lungsod.

Ang inilabas na panibagong panawagan ay bunsod ng pagtaas muli ng bilang ng mga nahahawa sa COVID-19 sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila. (James I. Catapusan)