Higit 2K rider, 500 cyclist, Senador sumuporta sa ‘Unang Republika’

Higit 2K rider, 500 cyclist, Senador sumuporta sa ‘Unang Republika’

February 18, 2023 @ 4:06 PM 1 month ago


Malolos, Bulacan – Nasa mahigit 2000 motorcycle riders ang lumahok sa huling araw ng selebrasyon ng Unang Republika ng Pilipinas upang suportahan na maging national holiday ang Enero 23.

Pinangunahan ni Malolos City Mayor Atty. Christian Natividad, kasama si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, ilang personalidad at mahigit 2000 big bike riders na nagtipon sa isang gasolinahan sakop ng Marilao-NLEX umaga ng Pebrero 18.

Nalamang nagmula ang mga riders sa iba’t ibang mga lalawigan gaya ng Laguna, Batangas, Pampanga at iba pang mga lugar na tutungo magtitipon sa Malolos City hall.

Sinamahan din ng mga maliliit na motorsiklo ang linya ng mga big bikers nang lumabas ito sa Tabang exit ng NLEX.

Nakibahagi rin sa okasyon ang humigit-kumulang 500 siklistang Bulakenyo at karatig lugar kasabay ang tugtugan ng mga banda, paglayag ng mga BMX bikers at skateboarders sa naturang lugar.

Kaugnay nito, nauna nang nagbigay ng suporta sina 5th District Congressman Ambrosio Boy Cruz at Lone District Congresswoman Rida Robes sa naturang hakbang ni Natividad na maging national holiday ang okasyon na ito.

Sinasabing unang nagkaroon ng Republika ang bansa sa buong Asya na dapat inaalala at pinapahalagahan ng bawat malayang Pilipino.

“Dapat kunin natin yung karangalan, maging proud tayo na tayo’y naging malaya, na tayo’y lumaban ng mga panahon na iyon at tayo ang unang-unang malayang republikanong bansa, demokratikong bansa sa kabuuan ng asya ng mga panahon na iyon,” anang alkalde. Dick Mirasol III