Higit 300 BuCor employees posibleng mawalan ng trabaho, ‘di pasado sa civil service

Higit 300 BuCor employees posibleng mawalan ng trabaho, ‘di pasado sa civil service

February 22, 2023 @ 1:39 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nanganganib mawalan ng trabaho ang mahigit 300 tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) dahil sa bigo itong makatugon sa mandato ng batas na kailangan ay may college degree o nakapasa sila ng civil service professional exam.

Ayon sa legal counsel ng mga empleyado ng BuCor na si Jose Ventura Aspiras, nitong Miyerkules, Pebrero 22, binigyan ng 5 taon para makapag-comply sa batas ang mga manggagawa na pinataas ang posisyon mula Level 1 patungong Level 2 ayon sa Civil Service Commission.

Nagsimula ang itinakdang limang taon noong Marso 2018 at inaasahang hanggang Marso 15, 2023 na lamang.

Sa ilalim ng Bureau of Corrections Act of 2013, na ipinasa sa administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III, layon nito ang upgrade sa mga pasilidad at piitan, restructure sa ahensya at professionalism sa mga ranggo nito.

Kinakailangan sa naturang batas na ang mga bagong aplikante para sa
uniformed correctional o reformation personnel positions ay “college graduates and within the age limit of 21 to 40 years old.”

Ang mga apektadong tauhan na nasa 30 hanggang 40 taon na sa serbisyo, ani Aspiras, ay humihiling ng dalawang taon pang extension at tulong mula sa
corrections bureau, isang attached agency ng Department of Justice.

Sakop umano nito ang nawalang taon dahil sa COVID-19 pandemic na nagamit na sana para matapos ang mga requirements.

“‘Yung mga requirements ng off-campus programs, ‘yung mga review classes hindi nabigay… the biggest justification ‘yung COVID pandemic so everybody dapa: empleyado, bureau, lahat pati civil service commission,” sinabi ni Aspiras.

“May dalawang taon na walang nangyayari practically.”

“Hopeful ‘yung mga empleyado na they will get the support of [Justice] Secretary [Jesus Crispin] Remulla… [who] will champion their cause,” pagpapatuloy niya.

“That’s a good cause. I will look into that.”

Sa ngayon ay naghihintay pa umano sila ng balita tungkol sa planong extension.

“‘Yung basis for the extension, legal basis under the law and ‘yung mga practical reasons, ngayon pa lang nagki-crystallize. The bureau and the department open naman sila to our suggestion. This could result in a win-win solution,” pagbabahagi ni Aspiras.

“Sabihin natin ito ‘yung batas, i-implement natin. Pero kung ‘yung implementation naman ay magiging… prejudicial, makakasama sa mga affected na tao, hindi dapat. Automatically written into the law ‘yan na there’s got to be a way to adjust it,” dagdag niya.

“The DOJ secretary agrees, even [BuCor chief] General [Gregorio] Catapang will agree na ‘oo nga we should look into this, make things better and favorable to our employees. I think we will get their support,” pagpapatuloy pa nito.

Ayon naman kay Civil Service Commission Commissioner Aileen Lizada, hindi pa sila nakakatanggap ng notice of extension mula sa kasalukuyang pamunuan ng BuCor.

“We have no other choice as well but to comply with the law,” sinabi ni Lizada sa panayam ng ABSCBN.

Sa kabila nito, nilinaw niyang nakadepende pa rin sa pamunuan ng BuCor kung maglalabas ito ng extension o hindi.

“It is not for the call ng CSC. It is call ng BuCor ‘yon. But as we see it wala po kaming natatanggap na extension then the law has to be complied with, meaning the 5-year period has lapsed already.”

Sa oras na magpadala ang BuCor ng notice of extension, agad umanong tutugon ang CSC tungkol dito.

“Five years is a long period to comply,” sinabi pa ni Lizada. RNT/JGC