Higit 300 IPs sa NCR napauwi na sa probinsya – DSWD

Higit 300 IPs sa NCR napauwi na sa probinsya – DSWD

December 3, 2022 @ 3:22 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Napauwi na sa kani-kanilang mga probinsya, partikular na sa Zamboanga, Sulu at Basilan ang nasa 300 Sama Bajau indigenous peoples (IPs) na nasagip sa mga lansangan ng Metro Manila.

Ito ang sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Sabado, Disyembre 3.

“Mahigit 300 na Sama Bajau na ang naihatid na sa kanilang pinagmulan sa Mindanao,” sinabi ni DSWD Undersecretary Edu Punay sa panayam ng DZBB.

“May ilan pang mahigit 100 Badjao na nasa Jose Fabella Center at pinoproseso na ang kanilang pag-uwi,” dagdag pa niya.

Ang mga nasagip na IPs ay pagala-gala sa mga kalsada sa NCR at namamalimos sa serye ng operasyon ng DSWD.

“Three weeks nang ongoing ang ating rescue at reach out operation sa ating mga kapatid na IPs, mga katutubo na nagtutungo sa Metro Manila,” sinabi pa ni Punay.

Nakikipag-ugnayan na umano ang DSWD sa mga nakasasakop na local government units (LGUs) sa mga ito na siyang may hurisdiksyon sa naturang rescue operations.

Kasabay ng pagpapauwi sa kani-kanilang probinsya ay mabibigyan ang bawat pamilyang IP ng P10,000 one-time cash aid upang hindi na mapilitan ang mga ito na mamalimos sa lansangan.

“Bago po natin papauwiin, bibigyan natin sila ng mga ayuda na P10,000 bawat pamilya. Para ‘yun po ang gamitin nila bilang pangkabuhayan nila,” nauna nang sinabi ni DSWD Secretary Erwin Tulfo.

“Ang aspiration natin ay hindi na kailangang lumuwas ng mga IP para makahanap ng pera pambili ng kanilang pagkain at pangangailangan,” segunda naman ni Punay sa nabanggit na panayam sa radyo.

Sinabi pa na may mga sindikato ang nasa likod ng mga ito na sila ring nagdala sa NCR upang mamalimos.

“Mayroon talagang mapagsamantalang grupo o sindikato na sinasamantala ang kalagayan ng mga IP,” aniya.

Bilang dagdag, isa pa sa nakikitang pagsubok ay ang kakulangan ng birth record at IDs ng mga IPs.

“Kailangan natin ng close coordination at collaboration not only with the LGUs, with the barangays but also with their tribal leaders, yung mga chieftains sa mga tribes nila. Sila ang nakakakilala sa kanilang mga miyembro at nag-a-identify po sa mga pami-pamilya niyan,” giit ni Punay.

“This month we’ll be forging a memorandum of agreement with DILG and PSA para mag-roll out tayo ng nationwide birth registration ng mga IPs,” pagtatapos nito. RNT/JGC