Higit 300 pamilya inilikas sa hagupit ni ‘Neneng’ – NDRRMC

Higit 300 pamilya inilikas sa hagupit ni ‘Neneng’ – NDRRMC

October 17, 2022 @ 8:38 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nakapagtala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ng 300 pamilya na iniwan ang kanilang tahanan sa  Region 2 at naghanap ng masisilungan sa iba’t ibang evacuation centers dahil kay bagyong Neneng, araw ng Linggo.

Sa kamakailan lamang na situation report nito,  sinabi ng  NDRRMC  na may 337 pamilya o 960 indibidwal ang nakasama sa preemptive evacuation sa munisipalidad ng  Lal-lo, Camalaniugan, Baggao, Santa Praxedes, Buguey, Lasam, Ballesteros, at Calayan sa Cagayan province.

Karamihan sa mga bakwit ay mula sa munisipalidad ng  Baggao na mayroong 252  pamilya o  717 indibidwal.

Wala namang naiulat na namatay, ayon sa  NDRRMC.

Nauna rito,  sa naging paggalaw ng bagyong Neneng, isinailalim sa Signal No. 2  ang Batanes, kanlurang bahagi ng  Babuyan Islands (Dalupiri Is., Calayan Is., Panuitan Is., Babuyan Is.), at hilagang-kanlurang bahagi ng Ilocos Norte (Bangui, Burgos, Pagudpud, Pasuquin, Bacarra)

Samantala,  itinaas naman ang  Signal No. 1 sa kanlurang bahagi ng Cagayan (Allacapan, Aparri, Ballesteros, Abulug, Sanchez-Mira, Pamplona, Claveria, Santa Praxedes, Rizal, Lasam), Apayao; hilagang bahagi ng Abra (San Juan, Tayum, Langiden, Lagangilang, Danglas, La Paz, Dolores, Lacub, Tineg, Lagayan, Bangued), ilang  bahagi ng  Ilocos Norte, at hilagang bahagi ng Ilocos Sur (Magsingal, San Vicente, Santa Catalina, Sinait, San Ildefonso, City of Vigan, Cabugao, Caoayan, San Juan, Bantay, Santo Domingo).

Sa ngayon, tuluyan nang nakalabas ng  Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Neneng.

Huli itong namataan sa 430 km kanluran ng extreme Northern Luzon taglay ang maximum sustained winds na 120 km/h at pagbugsong umaabot sa 150 km/h.

Ayon sa PAGASA ang Southwesterly Surface Windflow na lang ang nakakaapekto bansa partikular na sa Southern Luzon at Visayas.

Ang Ilocos Norte at Ilocos Sur ay makakaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na mga pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dahil sa trough ng bagyo.

Maulap na kalangitan na may kalat-kalat na mga pag-ulan at pagkidlat-pagkulog bunsod  ng Southwesterly Surface Windflowang mararanasan sa Occidental Mindoro, Palawan at Kanlurang Visayas.

Ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dahil sa localized thunderstorms. Kris Jose