Higit 300 PDLs palalayain ng DOJ ngayong Lunes

Higit 300 PDLs palalayain ng DOJ ngayong Lunes

December 19, 2022 @ 8:50 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Mahigit 300 persons deprived of liberty (PDLs) ang inaasahang makakalabas sa mga prison facility ng Bureau of Corrections (BuCor) ngayong Lunes, Disyembre 19.

Ang pagpapalaya sa mga PDL mula sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City ay sasaksihan ni Justice Secretary Jesus Crispin C. Remulla.

Inaasahang makakalaya ang mga PDL na nakapagsilbi na sa kanilang sentensiya sa programang ikinasa ng BuCor na “Paskong kay Saya ang Pagbabalik sa Pamilya.”

Simula nang maupo bilang Kalihim ng DOJ, buwanan nang isinasagawa ni Remulla ang pagpapalaya ng mga kwalipikadong PDL.

Noong Nob. 24, may kabuuang 234 na PDL ang pinakawalan na sinundan ng 357 iba pa na pinalaya noong Oktubre 26.

Sinabi ni Remulla na ang agarang pagpapalaya ng mga kuwalipikadong PDL ay ginagawa para ma-decongest ang pitong pasilidad ng bilangguan ng BuCor sa buong bansa.

Sinabi niya na inaasahan ng DOJ na magpapalaya pa ng humigit-kumulang 5,000 higit pang mga kwalipikadong PDL sa Hunyo 2023. RNT