Higit 33K residente sa Bicol, inilikas sa bagyong Paeng

Higit 33K residente sa Bicol, inilikas sa bagyong Paeng

October 29, 2022 @ 9:05 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Umabot na sa mahigit 33,000 na mga indibidwal ang inilikas sa Bicol region dahil sa bagyong Paeng.

Ayon kay Gremil Alexis Naz, spokesperson ng Office of Civil Defense (OCD) sa Bicol, Biyernes ng gabi, Oktubre 28 ay mayroon nang 594 na pamilya o 2,244 indibidwal ang inilikas mula sa limang bayan ng Camarines Norte samantala 364 na pamilya o 1,443 katao naman ang inilikas mula sa Camarines Sur.

Matatandaan na nagpatupad ng forced evacuation ang Environment Disaster Management and Emergency Response Office (Edmero) sa Camarines Sur upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente.

Ayon sa EDMERO, mayroong 31 bayan sa probinsya ang nalubog na sa baha dahil sa tuloy-tuloy na malakas na ulan.

Samantala, nasa 6,052 na pamilya o 24,213 indibidwal naman ang inilikas sa mga evacuation centers at private residences sa Albay makaraang mag-utos din ng preemptive evacuation ang pamahalaang panlalawigan.

Ayon kay Albay Gov. Noel Rosal, nakahanda na ang kanilang mga relief goods para sa mga evacuees na inaasahang aakyat pa sa 30,000 katao.

Sa Catanduanes, mayroon namang 1,276 pamilya o 4,442 indibidwal mula sa 11 bayan ang namamalagi muna sa mga evacuation centers at sa Sorsogon ay mayroon namang 290 pamilya o 1,024 katao ang apektado ng bagyo.

Maliban dito ay mayroon ding 2,248 na pasahero, 641 rolling cargoes at 45 fishing vessles ang stranded sa iba’t ibang pantalan sa rehiyon. RNT/JGC