Higit 35K kabahayan nawasak sa Abra quake – NDRRMC

Higit 35K kabahayan nawasak sa Abra quake – NDRRMC

August 8, 2022 @ 2:20 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Tinatayang pumalo na sa 35,463 ang kabahayan na winasak ng magnitude 7 earthquake na yumanig sa Abra at kalapit- Northern Luzon provinces noong Hulyo 27, 2022.

Sa pinakabagong situation report na ipinalabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sinabi nito na 34,842 “partially damaged”  at  621 naman ang “totally damaged”  na kabahayan.

Karamihan sa mga  nawasak na kabahayan ay sa Cordillera Administrative Region (CAR) , 26,856; sinundan ng Ilocos Region na may 8,605 at tig- isa naman ang nawasak na bahay sa National Capital Region (NCR) at Cagayan Valley.

Ang halaga naman ng nasira sa agricultural infrastructure, equipment at facilities ay umabot na sa P33.22 milyong piso sa CAR, habang ang napinsala naman sa irrigation systems ay umabot na sa P22.7 milyong piso sa CAR at Ilocos.

Ang pinsala naman sa infrastructure sa Ilocos Region, Cagayan Valley, CAR at NCR ay umabot naman sa P1.59 bilyong piso.

Sa kabilang dako, 11 naman ang naitalang namatay habang 614 naman ang nasugatan.

Nanguna naman ang CAR sa listahan ng mga may nasaktang indibiduwal na may 578,sinundan ito ng Ilocos na may 34 at Cagayan Valley, na may dalawang bilang.

Samantala, ang mga pamilyang apektado ng malakas na lindol ay 140,101,na may katumbas na  512,936 katao na nakatira naman sa 1,334 barangay sa Ilocos Region, Cagayan Valley at CAR.

Mayroon lamang 298 pamilya o 968 katao ang nananatili sa 11 evacuation centers habang ang mayorya ng mga evacuees ay nagsimula nang bumalik sa kanilang mga tahanan. Kris Jose