Higit 3K indibidwal inilikas sa Bicol sa bagyong Paeng

Higit 3K indibidwal inilikas sa Bicol sa bagyong Paeng

October 28, 2022 @ 2:36 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Umabot na sa 812 pamilya o 3,148 katao ang inilikas sa Bicol region partikular na sa Camarines Sur at Camarines Norte dahil sa matinding pag-ulan dulot ng paparating na Tropical Storm Paeng.

Ayon kay Gremil Alexis Naz, Office of Civil Defense Bicol spokesperson, nasa 534 pamilya o 2,075 indibidwal ang inilikas mula sa apat na bayan ng Camarines Norte samantala 278 pamilya o 1,073 katao mula naman sa 11 bayan ng Camarines Sur hanggang nitong Huwebes, Oktubre 27.

Sa impormasyon, 31 bayan na ang binaha samantala 20 kalsada, tulay at spillways ang hindi na madaanan sa Camarines Sur dahil sa tuloy-tuloy na malakas na pag-ulan.

Nakapagtala rin ng soil erosion ang Barangay Pagsangaan at Sta. Maria sa Presentacion ng kaparehong probinsya.

Dagdag pa ni naz, nakapagtala rin ng landslide sa Barangay Adiangao sa San Jose, at Rolando Andaya Highway na sakop ng Barangay Colacling sa Lupi, Camarines Sur.

Nagdeklara na rin ng suspensyon ng klase ang anim na probinsya sa rehiyon bilang paghahanda sa paparating na bagyong Paeng. RNT/JGC