Higit 400 ektaryang reklamasyon sa Maynila, tuloy na

Higit 400 ektaryang reklamasyon sa Maynila, tuloy na

November 9, 2022 @ 7:00 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Ilang taon simula ngayon ay asahan na ang mas lalong pag-unlad at paglikha ng napakaraming trabaho sa Lungsod ng Maynila.

Ito ay matapos lagdaan nina Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna Pangan at ni JBros Construction Corporation President Engr. Jesusito Legazpi, Jr. ang Dredgefill Extraction Operations Agreement para sa Horizon Manila Reclamation Project.

Nabatid sa tagapagsalita ng Alkalde at Mayor’s Communication Office Chief Atty. Princess Abante, ito umano ang kauna-unahang reclamation project sa Lungsod ng Maynila na may sukat na 419-ektarya na kabibilangan ng tatlong isla na pagtatayuan ng mga gusaling pang-industriya at komersiyo, pati na ang pabahay para sa mga residente ng nasabing lungsod.

Sinaksihan naman ang makasaysayang kaganapan nina Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto, Congressman Atty. Joel Chua ng ikatlong Distrito ng lungsod at mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod.

Matatandaan na inaprubahan ang nasabing proyekto noong Disyembre 2019 ng Philippine Reclamation Authority (PRA) at noong Oktubre 2020, kinumpirma na ng JBros Construction Corp. na nakumpleto na nila ang lahat ng mga kinakailangang permiso at dokumento, kabilang ang Environmental Compliance Certificate (ECC) na dahilan upang aprobahan na ito ng Philippine Competition Commission (PCC).

Gayunman, iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapahinto sa pagsasagawa ng malawakang reklamasyon sa Manila Bay mula Navotas City hanggang Cavite sa ikalawang bahagi ng taong 2021 dahil sa isyu ng katiwalian.

Nito lamang Pebrero ay pinahintulutan na ni dating Pangulong Duterte ang pagpapatuloy ng nasabing royekto matapos nitong makipagpulong sa JBros Construction Corp.kung saan napagtanto nito ang benepisyong makukuha rito, kabilang ang paglikha ng maraming trabaho na makakatulong para maiahon ang ekonomiya ng bansa.

Humanga umano ang Pangulong Duterte sa Horizon plan, kabilang ang mga ilalagay na pasilidad tulad ng dalawang sunset parks, art museum, sinehan, medical center, 80 ektaryang parke, sports stadium at marami pang iba. JAY Reyes