Higit 45M ng 90M kailangang balota, naimprenta na – Comelec

Higit 45M ng 90M kailangang balota, naimprenta na – Comelec

February 13, 2023 @ 6:25 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Mahigit walong buwan bago ang 2023 Barangay and Sangguniang Kabataang elections, ang Commission on Elections (Comelec) ay nakapag-imprenta na ng mahigit 50 percent ng mahigit 90 milyong official ballots para sa nasabing halalan.

Base sa datos ng Comelec, kabuuang 45,373,628 ballots na ang naimprenta ng National Printing Office (NPO) mula sa kabuuang 90,613,426 na balota.

Sa nasabing bilang, kabuuang 32,975,599 na balota ang naimprenta mula sa 66,973,949 ballots para sa barangay polls.

Samantala, sinabi ng Comelec na kabuuang 12,398,029 mula naman sa 23,639,477 ballots para sa SK polls ang naimprenta na.

Ayon pa sa Comelec, ang mga balota na naimprenta ay nakalaan para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Caraga, Soccsksargen, Davao Region, Northern Mindanao, Zamboanga Peninsula, Eastern Visayas, Central Visayas, Western Visayas at Batanes sa Cagayan Valley.

Habang ang mga lugar na hindi pa naiimprenta ang mga balota ay ang Bicol Region, Mimaropa, Calabarzon, Central Luzon, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, National Capital Region, at iba pang lugar sa Cagayan Valley.

Gayunman, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na hindi kasama sa bilang ang mga nag-apply sa katatapos pa lamang na voter registration.

May kabuuang 2,506,321 na aplikasyon ang natanggap sa buong bansa sa panahon ng pagpaparehistro ng mga botante mula Disyembre 12, 2022 hanggang Enero 31, 2023. Jocelyn Tabangcura-Domenden