Higit 460K sako ng ‘raw sugar’ nasabat ng BOC

Higit 460K sako ng ‘raw sugar’ nasabat ng BOC

August 24, 2022 @ 3:48 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Nadiskubre ng mga ahente ng Bureau of Customs (BOC) sa Northern Mindanao ang humigit-kumulang 466,142 sako ng “raw sugar” sa isinagawa nilang sorpresang pagbisita sa mga bodega sa Cagayan de Oro City nitong Martes.

Alinsunod sa kautusan mula sa Office of the President, bitbit ang inisyung Letter of Authority at isang Mission Order ay nagsagawa ng pagsusuri sa tatlong bodega ng Crystal Sugar Milling na matatagpuan sa North Poblacion sa Cagayan de Oro City kung saan nadiskubre nila ang libu-libong sako ng hilaw na asukal.

Nabatid sa BOC na isinagawa ang nasabing operasyon batay na din sa natanggap na intelligence report na ang mga may-ari ng mga nasabing bodega ay nakikibahagi umano sa iligal na pag-iimbak ng mga stock ng asukal.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), sa kabuuang naimbentaryo na asukal, nasa 264,000 sako na umano ang naibenta na sa mga mangangalakal ngunit hindi pa na-withdraw ang mga stock nito sa bodega.

Ayon sa manager ng warehouse na kinilalang si Javier Sagarbarria, ang Crystal Sugar Milling ay gumagawa ng 2 milyong bag ng asukal sa loob ng isang taon.

Sa paliwanag ni Sagarbarria, wala umano sa bodega ang may hawak o nag-iingat ng mga dokumento nang humingi ang mga awtoridad ng mga kopya nito upang i-verify na ang natuklasang mga asukal ay isang awtorisadong stock.

Matatandaan na unang inihayag ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na patuloy na iniinspeksyon ng BOC at iba pang ahensya ang mga bodega ng asukal, alinsunod sa pinaigting na kampanya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa iligal na pag-angkat ng mga produktong agrikultural.

Nitong weekend, apat na bodega sa Guiguinto, Bulacan na pinagsama-samang inspeksyon ng BOC, SRA at DA ay nagbunga ng pagkakadiskubre ng hindi bababa sa 60,000 bag ng hinihinalang hoarded na asukal.

Ang malaking bulto ng asukal na natuklasan sa iba’t ibang inspeksyon na mga bodega sa Luzon at kamakailan sa Mindanao ay nagbunsod sa mga opisyal ng Palasyo na ang kakulangan sa asukal ay artipisyal, pangunahin nang sanhi ng pag-iimbak ng mga bilihin ng mga mangangalakal na gustong kumita sa biglaang pagtaas ng presyo. JAY Reyes