Higit 495K Muntinlupeño fully vaccinated na vs COVID-19

Higit 495K Muntinlupeño fully vaccinated na vs COVID-19

May 14, 2022 @ 10:36 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Umabot na sa 495,414 ang mga fully vaccinated individuals sa lungsod ng Muntinlupa na lagpas na sa target population nito.

Base sa datos ng City Health Office (CHO) nitong Mayo, ang kabuuang bilang ng mga fully vaccinated na 495,414 ay katumbas ng 112 porsiyento ng target population na mayroon lamang 442,517 o 80 porsiyento ng kabuuang populasyon ng lungsod na 553,146 indibidwal.

Sa mga nabanggit na fully vaccinated na indibidwal ay 131,589 sa mga ito ang naturukan na ng unang booster shot o 30 porsiyento ng target population.

Kabilang din sa mga nabakunahan ay 216 na mga immunocompromised na indibidwal ang naturukan na rin ng kanilang ikalawang booster shot.

Sa kategorya ng kabataan na nasa edad 12 hanggang 17 taong gulang, 39,724 na ang mga napagkalooban na ng ikalawang jab ng bakuna o 70.31 porsiyento ng kabuuang populasyon na 56,499.

Sa mga tsikiting naman na nasa edad lima hanggang 11 ay mayroon na ring 13,869 ang mga fully vaccinated katumbas ng 20.34 porsiyento ng kabuuang populasyon na 68,198 sa naturang age group.

Sa huling datos ng CHO nitong Mayo 12 ay nakapagtala ang lungsod ng walong aktibong kaso ng COVID-19 sa kabuuang 39,987 kumpirmadong kaso habang 39,365 ang mga nakarecover at 614 ang mga namatay.

Sa mga naitalang aktibong kaso ay ang mga barangay ng Tunasan at Ayala-Alabang ay mayroong tig-dalawang kaso habang ang mga barangay naman ng Poblacion, Putatan, Bayanan at Alabang ay nakapagtala ng tig-isang kaso ng COVID-19. James Catapusan