Higit 500 kilong shabu, nasabat

Higit 500 kilong shabu, nasabat

August 7, 2018 @ 5:54 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Tinatayang  nasa mahigit 500 kilo ng shabu ang nadiskubre ng pinagsanib na pwersa ng Bureau of Customs at ng Philippine Drugs Enforcement Agency sa isinagawa nilang operasyon sa Manila International Container Port sa Maynila.

Sa inisyal na ulat ng BoC, naghinala umano sila sa isang 40 ft container na may laman umano na dalawang ‘magnetic scrap lifter’ dahil wala umanong kumukuha sa nasabing kargamento.

Ayon pa sa BoC, ilang buwan na umanong nakatengga ang may 9 na container van kabilang na ang pinaglalagyan ng dalawang scrap lifter sa MICP hanggang sa nakatanggap sila ng impormasyon na may karga umano itong iligal na droga.

Dahil dito, agad na nagsagawa ng inspeksyon ang BoC at ang PDEA sa nasabing lugar kung saan nadiskubre ang daang kilo ng shabu na nakaipit o nakalagay sa dalawang nasabing magnetic scrap lifter.

Napag-alaman na ang mga nasabing kontrabando ay nagmula sa bansang Malaysia.

Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga nasabing ahensiya ng gobyerno at aalamin nila at sasampahan ng kaukulang kaso ang responsable dito. (Jay Reyes)