Higit 5,000 turista dumagsa sa Baguio noong Disyembre 2022

Higit 5,000 turista dumagsa sa Baguio noong Disyembre 2022

January 14, 2023 @ 11:48 AM 4 weeks ago


BAGUIO CITY — Nakapagtala ng higit sa 5,000 turista ang Baguio City Tourism Operations Office nitong Disyembre 2022 kumpara sa nakaraan taon na mas mababa ang bilang ng pagdagsa ng mga turista.

Ayon kay City Tourism Operations Officer Engr. Aloysius Mapalo, tinatayang nasa 400,000 hanggang sa 500,000 ang bumisita sa sikat na tourist spot destination kumpara sa nakaraan taon na may 100,000 hanggang 150,000 lamang ang umakyat na turista sa panahon ng Yuletide.

Sinabi ni Mapalo, ang pagdagsa ng turista noong nakaraan buwan ay bunsod ng ‘travel revenge’ o ang kasabikan ng mga tao na magbakasyon pagkatapos ng mahigit dalawang taon ng community restrictions dulot ng COVID-19 pandemic.

Ang Baguio ay isang pangunahing destinasyon ng turista na gustong puntahan ng mga tao.

Dagdag pa ni Mapalo, posibleng mas mataas pa ang bilang mga dumagsang turista dahil hindi pa kasama ang ibang dumadayo na nagpupunta sa ibang establisyemento na illegal na nagnenegosyo at takot na ideklara ang aktwal na bilang ng kanilang mga parokyano.

Aniya, ang pagdagsa ng mga turista sa lungsod ay nagsimulang tumaas unti-unti noong Marso 2022 matapos humupa ang COVID-19 variant at ang paghina ng Omicron at niluwagan ang paghihigpit sa community quarantine hanggang sa malayang nakakalabas ang mga tao.

Noong 2019, nakapagtala ang lungsod ng higit sa 1.5 milyong turistang dumating sa buong taon batay sa mga idineklarang occupancies ng mga pinahihintulutang hotel, inns at transient houses, bagama’t hindi tumpak ang bilang dahil sa kawalan ng mekanismo para subaybayan ang mga turista, marami sa kanila maaaring iligal na tinanggap sa mga establisyimento sa mga barangay.

Kaugnay nito, naglabas ng patakaran ang lokal na pamahalaan lungsod sa mga pinahihintulutang establisyemento ng akomodasyon para hilingin sa mga turista na magparehistro sa Visitors Information and Travel Assistance (VISITA) application ng turista para malaman ang tunay na bilang mga turista. Mary Anne Sapico