Higit 50K pasahero sa mga pantalan naitala sa holiday season – PPA

Higit 50K pasahero sa mga pantalan naitala sa holiday season – PPA

December 23, 2022 @ 10:54 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Pumalo na sa mahigit 50,000 ang mga pasahero na dumaan sa mga pantalan para humabol sa pag-uwi sa kani-kanilang probinsya at magbakasyon ngayong holiday season.

Base sa datos ng Ports Operations and Services Department (POSD) umabot na sa 50,400 ang average daily passenger sa 25 Port Management Offices sa iba’t-ibang panig ng bansa simula Disyembre 18- 22, 2022.

Mas mataas na ito ng 10,000 pasahero sa naunang naitala na 40,400 daily average passenger nitong nakaraang linggo.

Kabilang pa rin sa limang may pinakamaraming pasahero ay ang mga sumusunod:

PMO Panay/ Guimaras= 6327
PMO Batangas= 5312
PMO Mindoro= 5210
PMO Surigao= 4848
PMO Negros Occidental/Siquijor= 4032

Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, nakalatag na ang seguridad at help desks sa mga pantalan ngayong dagsa na ang mga pasahero para tiyakin na maayos ang biyahe ng mga uuwi sa kanilang probinsya.

“24/7 na po ang operayson ng PPA sa mga pantalan, gumagana rin po yung mga CCTV natin at mga body cameras ng mga port police para tiyakin na ligtas sa biyahe ang mga kababayan natin” ani Santiago.

Nasa humigit kumulang 3,000 ang bilang ng mga port police at force multipliers na ang nakadeploy ngayon sa mga pantalan na maaring malapitan anumang oras habang nag-aantay sa biyahe.

Base sa datos ng PPA, mas mataas ng 200% ang bilang ng mga inaasahang pasahero ngayong taon mula Enero hanggang Disyembre 2022 na papalo sa 57 milyon kumpara sa 23 milyon na pasahero noong 2021 sa kaparehong sakop na buwan. Jocelyn Tabangcura-Domenden