Higit 5K Odette-hit families sa Siargao inayudahan ng DSWD

Higit 5K Odette-hit families sa Siargao inayudahan ng DSWD

January 2, 2022 @ 9:48 AM 8 months ago


MANILA, Philippines- Mahigit 5,000 pamilya sa Siargao Island ang nakakuha ng financial assistance para sa pinsalang naidulot sa kanila ng bagyong Odette noong isang buwan.

Ayon sa ulat sa GMA nitong Sabado, namahagi ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng P5,000 cash assistance sa unang batch ng pinakaapektadong mga pamilya sa 13 barangays sa bayan ng Dapa town.

Apektado sa paghagupit ng bagyong Odette ang 14,000 indibidwal sa Dapa, ayon sa DSWD Caraga.

Inilahad naman ng departamento na hindi lahat ng apektadong pamilya ay mabibigyan ng naturang cash assistance.

“This is based on the assessment po ng barangay, if yung bahay, kung ilan po sila sa pamilya, kung marami ba sila, meron ba silang mga vulnerable sector sa pamilya. Isa rin po sa tinitignan ay if yung means of income po nila ay naapektuhan rin po ng bagyong Odette,” pahayag ni Reishel May Mentolaroc, planning officer ng DSWD Caraga.

Mahigit P29 milyong cash assistance ang naipamahagi na sa mga apektadong pamilya sa Dapa, ayon sa departamento.

Dagdag ng DSWD Caraga, hinihintay pa nila ang anunsyo ng regional office para sa ikalawang batch ng financial assistance para sa mga apektadong pamilya sa munisipalidad ng Siargao.

Sa kasalukuyan ay nasa 407 ang naiulat na pagkasawi dahil sa bagyong Odette, batay sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Sabado. RNT/SA