Higit 60K tablet, mobile data, hygiene kits aprub na kay Mayor Isko

Higit 60K tablet, mobile data, hygiene kits aprub na kay Mayor Isko

July 10, 2021 @ 8:48 AM 1 year ago


Manila, Philippines – Sa kabila ng kinakaharap na pandemya dulot ng COVID-19, tiniyak ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na patuloy na susuportahan ng lokal na pamahalaang lungsod ang edukasyon at pangangailangan ng mga estudyante sa Maynila.

Ang naturang pahayag ni Yorme ay kasabay ng pag-apruba nito sa karagdagang 60,820 na tablet para sa mga bagong “enroll” na mga estudyante sa pampublikong paaralan sa darating na “school year 2021-2022 na nagkakahalaga ng P364,920,000.

Ang pag-apruba ni Domagoso ay bilang bahagi ng pagsisikap ng lungsod na ma-“adapt” ang blended distance learning program bunsod na din sa kinakaharap na pandemya.

“As much as possible, we want all students to be able to continue learning,”giit ni Domagoso sa ginanap na Local School Board meeting.

Bukod dito, naaprubahan din ang buwanang data ng internet para sa mga mag-aaral ng K-12 at ang procurement ng mga hygiene kits para sa mga teaching at non-teaching personnel.

Ibinahagi din ni Domagoso na nagtabi din sila ng pondo na P60,532,256.37 sakaling magkaroon ng karagdagang bilang ng mga mag-eenroll na estudyante.

Matatandaan na nitong nakaraang taon ay bumili ang lokal na pamahalaang lungsod ng 110,000 tablet na may kasamang mga SIM card at 11,000 laptops na may pocket WiFi na nagkakahalaga ng P994 milyon upang ilaansa mga estudyante at guro sa mga pampublikong paaralan sa Maynila. JAY Reyes