Higit 6K drug suspects, patay sa drug war – PDEA

Higit 6K drug suspects, patay sa drug war – PDEA

February 2, 2022 @ 10:25 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Umabot na sa 6,225 na mga drug suspect ang napatay sa war on drugs ng pamahalaan hanggang noong 2021.

Sa ulat na inilabas ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pamamagitan ng kanilang Real Numbers PH, nasa 323,579 na rin na mga suspek ang naaresto sa 224,215 na mga drug war operations simula Hulyo 1, 2016 o mula nang maupo si Pangulong Rodrigo Duterte.

Idineklara naman nang drug-cleared ang nasa 24,253 na mga barangay sa buong bansa habang 11,175 pa ang patuloy na nililinis mula sa iligal na droga.

Samantala, sa bilang ng mga inaresto, 14,220 ang itinuturing na high-value targets na kinabibilangan ng sumusunod:

  • 349 foreign nationals

  • 395 elected officials

  • 126 uniformed personnel

  • 517 government employees

  • 3,937 targets listed

  • 797 drug group leaders and members

  • 75 armed group members

  • 1,474 drug den maintainers

  • 291 na nasa wanted lists

  • 24 celebrities o mga licensed professional at;

  • 6,255 mula sa high-impact operations

Habang pumalo na sa P75 billion ang halaga ng mga iligal na drograng nakumpiska ng mga otoridad mula sa kanilang operasyon na karamihan ay shabu.

Matatandaang, umani ng mga batikos ang madugong giyera kontra droga ng administrasyong Duterte hindi lamang sa bansa kundi sa buong mundo.

Ayon pa sa ilang human rights group, posibleng aabot sa 12,000 hanggang 30,000 ang bilang ng mga napatay sa drug war. RNT