Higit 700 kilo ng botcha nasabat sa Paranaque

Higit 700 kilo ng botcha nasabat sa Paranaque

October 19, 2022 @ 12:38 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Umabot sa 715 kilo ng karneng botcha ang kinumpiska ng mga tauhan ng Parañaque City Veterinary Services Office (CVSO) nitong Martes, Oktubre 18.

Ayon kay CVSO chief Dr. Karen Vicencio, nakumpiska ang mga karneng botcha sa isinagawang random check ng kanyang mga tauhan dakong alas 2:00 ng umaga sa La Huerta Public Market.

Sinabi ni Vicencio na limang kabatang delivery boys ang kinwestyon makaraang makita ang mga karne na naisakay sa isang makalawang na sidecar na hindi man lang nakalagay sa container o plastic bags.

Napag-alaman din kay Vicencio na ang mga delivery boys ay walang dalang kaukulang permit.

Kasabay nito ay sinabi ni Vicencio na isa pang lalaking tricycle driver na ang nasita ng mga tauhan ng CVSO na may dalang mga frozen products tulad ng manok, baboy, baka, kalabaw, at iba pa sa kanyang minamanehong tricycle.

Idinahilan naman ng sinitang lalaki na hindi napangalanan na ang mga frozen products na dala-dala niya ay kanyang ide-deliver sa Pasay City public market.

Sinabi ni Vicencio na kanila ring kinumpiska ang mga produktong karne na ide-deliver sana sa Pasay City Public Market dahil sa hindi tamang handling at pagbibitbit ng mga ito na maaaring magdulot ng zoonotic o sakit ng hayop tulad ng Foot and Mouth Disease o FMD.

Ang mga nakumpiska namang mga karne na hindi angkop sa pagkonsumo ay dinala ng CVSO sa kanilang pound incinerator para sunugin ang mga ito at hindi na maibenta pa.

Samantala, pinayuhan naman ng lokal na pamahalaan ang publiko na siguruhing ang mga meat vendors ay mayroong meat inspection certificates na inisyu ng National Meat Inspection Commission (NMIC) ang kanilang binibiling karne upang makasiguro na malinis at ligtas na kainin ang mga ito. James I. Catapusan