Higit 73K pakete ng kontrabandong sigarilyo kinumpiska sa Digos

Higit 73K pakete ng kontrabandong sigarilyo kinumpiska sa Digos

January 29, 2023 @ 2:57 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nasabat ng mga awtoridad ang nasa 73,647 na pakete ng ismagel na sigarilyo sa isang makeshift warehouse sa Barangay Zone 1, Digos City.

Ito ay sa pamamagitan ng pinagsanib na pwersa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na pinangungunahan ni Maj. Benjie Santos.

Ayon sa pahayag ng BIR Revenue Region 19 na nakabase sa Davao City, ang mga sigarilyo ay nakalagay sa 141 master cases, at kumita na sana ang pamahalaan ng P4,418,820 sa basic excise tax.

Ito na ang ikalawang raid na ikinasa laban sa mga kontrabandong sigarilyo ngayong taon kung saan ang una ay noong Enero 12 sa Barangay Tres de Mayo.

Nakuha naman nila dito ang nasa 820 master cases na naglalaman ng sigarilyo.

Ayon sa BIR, naging talamak ang distribusyon ng ismagel na sigarilyo sa Davao del Sur patunay ang iba’t ibang operasyon na ikinasa sa
Bansalan, Digos City, at Malalag noong nakaraang mga buwan.

Ipinag-utos na ni Digos City Mayor Josef Cagas sa mga awtoridad na bantayan din ang mga coastal communities kung saan di-umano ay pinapadaan ang mga kontrabandong sigarilyo. RNT/JGC