Higit 74K residente lumikas sa bagyong Karding

Higit 74K residente lumikas sa bagyong Karding

September 26, 2022 @ 2:16 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Umabot na sa mahigit 74,000 ang mga residente na lumikas dahil sa bagyong Karding.

Ito ang iniulat ng Department of Interior and Local Government (DILG) ngayong Lunes, Setyembre 26 kasabay ng public briefing na isinagawa ng National Disaster Risk Reduction and Management Council kasama si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon kay DILG Secretary Benjamin Abalos Jr., as of 5 a.m. ay mayroon nang 74,542 na mga indibidwal katumbas ng 19,368 pamilya ang inilikas mula sa walong rehiyon.

Malaking bahagi sa mga ito ay nagmula sa Metro Manila na mayroong 8,233 pamilya o 33,043 indibidwal.

Sinundan ito ng Central Luzon na mayroong 6,970 pamilya katumbas ng 25,358 indibidwal at CALABARZON sa 3,460 pamilya o 13,892 indibidwal.

Dagdag pa rito, ang Ilocos Region naman ay nakapagtala ng 231 pamilya na evacuees o 821 indibidwal; Cordillera Administrative Region sa 201 pamilya o 758 indibidwal; Cagayan valley na may 123 pamilya o 390 indibidwal; MIMAROPA na may 148 pamilya o 272 indibidwal at Bicol region na dalawang pamilya lamang o walong indibidwal.

Maliban dito, idinagdag pa ni Abalos na ang pinakanapuruhan ng bagyong Karding ay ang Aurora partikular na ang mga bayan ng Baler, Casiguran, Dilasag, Dinalungan, Dingalan at Dipaculao.

Pinuri naman niya ang mga residente na nakipagtulungan naman sa mga otoridad upang makalikas ng mabilisan o mas maaga.

“So that explains, Mr. President, halos walang fatality po tayo ngayon. Talagang napaghandaan po on the ground,” aniya. RNT/JGC