Higit 80 Japanese employers, target tumanggap ng Pinoy skilled workers

Higit 80 Japanese employers, target tumanggap ng Pinoy skilled workers

February 9, 2023 @ 1:52 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) na mahigit 80 Japanese employer ang gustong kumuha ng mga Filipino skilled worker.

Ayon kay DMW Secretary Susan Ople, ang pangkalahatang sentimyento ng mga Japanese employer ay lubos na maasahan at trainable ang mga mangagawang Filipino kaya mas ninanais nilang mag-empleyo ng mga Filipino workers sa kanilang kompanya.

Inilabas ng kalihim ang pahayag matapos ang pakikipagpulong kasamanang Japanese employers na inorganisa ng Migrant Workers Office sa Osaka.

Siya ay bahagi ng delegasyon ng Pilipinas sa Japan para sa working visit ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa nasabing bansa.

Sinabi ni Ople na lilikha ng Japan desk sa Office of the Secretary upang kapwa mapabilis ang pangangailangan ng Japanese employers at Filipino trainees.

Pagkatapos ng pagpupulong ay nagkaroon ng dayalogo kasama ang mga manggagawa sa Japan sa ilalim ng Technical Internship Training Program (TITP) at Special Skilled Worker (SSW) programs.

Tiniyak naman ng mga Filipino workers sa kalihim na sila ay tinatrato nang maayos at patuloy silang magtatrabaho sa Japan kung sila ay pahihintulutan ng kanilang employer at Japanese government.

Ayon sa DMW, ang sweldo ng mga mangaggawa sa Japan ay umabot mula 130,000 Yen (P54,548) para sa entry level TITP trainees hanggang 900,000 Yen (P377,640) para sa specialized positions para sa highly skilled professionals. Jocelyn Tabangcura-Domenden