Higit 900 pamilya lumikas sa pagsabog ng Taal

Higit 900 pamilya lumikas sa pagsabog ng Taal

March 27, 2022 @ 11:30 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Mahigit 900 pamilya na sa ngayon ang inilikas mula sa ilang barangay sa mga munisipalidad ng Agoncillo at Laurel sa Batangas matapos mang pagsabog ng Bulkang Taal noong Sabado, sinabi ng mga lokal na opisyal noong Linggo.

Sa Agoncillo, 498 pamilya o 1,767 indibidwal ang inilikas, ayon kay Batangas Provincial Social Welfare and Development Office head Joy Montalbo sa panayam sa radyo.

Samantala, hanggang alas-5 ng umaga ng Linggo, 479 na pamilya o 1,616 indibidwal ang inilikas sa Laurel, sinabi ni Jerwin Tambogon, public information officer ng Laurel Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.

“As of 5:00 am, nasa 479 families o 1,616 individuals ang inilikas… Mayroon kaming outside evacuees na pumunta sa kanila mga kaanak, 146 families ito o 429 individuals,” Tambogon said. Anim na evacuation centers ang bukas para sa mga evacuees, dagdag niya.

Sa kabilang banda, sinabi pa ni Montalbo na ang mga evacuees ay papayagang makauwi sa kanilang mga tahanan sa sandaling ibaba ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang alert level mula 3 hanggang 2.

Samantala, sa Barangay Banyaga sa Agoncillo, itinuturing na pinakamalapit na barangay sa main crater ng Taal Volcano dahil anim na kilometro ang layo nito, ang karamihan sa 3,200 residente ay lumikas noong Sabado, ayon kay barangay chairman Ben Palicpic.

“Ang lahat ng tao ay nailikas, bata, matanda… May ilang lalaki na nagpaiwan para sa kanilang mga alagang hayop at isda,” ani Palicpic sa isang interbyu.

Sinabi ni Palicpic na nakipagpulong ang mga residente sa mga lokal na opisyal noong Sabado at binigyan sila ng pahintulot na suriin ang kanilang mga tahanan, hayop, at fishpen sa umaga bago bumalik sa mga evacuation center.

“Puwede naman silang sumilip sa umaga at bumalik sa evacuation center sa hapon,” aniya pa. RNT