Higit 90K pinalaya ng DOLE sa child labor

Higit 90K pinalaya ng DOLE sa child labor

June 19, 2022 @ 12:50 PM 1 week ago


MANILA, Philippines- Mahigit 90,000 bata ang tinanggal sa paggawa ng masasamang trabaho mula nang simulan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pag-profile sa mga child laborer.

Sinabi ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III na ang inisyatiba ay naglalayong makabuo ng database na magsisilbi bilang basehan para magbigay ng naangkop na serbisyo at interventions na kinakailangan para alisin ang mga bata mula sa child labor.

Ang profiling ay naaayon sa layunin ng Philippine Development Plan 2017–2022 na bawasan ng 30 porsiyento ang mga kaso ng child labor.

Mula noong 2018, nakolekta na ng labor department ang pangunahing demograpikong impormasyon ng mahigit 400,000 child laborer sa buong bansa.

Ang pinakahuling datos mula sa Philippine Statistics Authority ay tinatayang nasa 597,000 mga bata ang patuloy na nagsasagawa ng child labor, karamihan ay nagtatrabaho sa sektor ng agrikultura.

Samantala, ang kaso ng online sex abuse at exploitation sa mga bata (OSAEC) ay sumirit ng 264 percent sa panahon ng kasagsagan ng COVID-19 pandemic.Ang seksuwal na pagsasamantala ay kabilang sa pinakamasamang anyo ng child labor na tinukoy ng International Labor Organization.

Ang Project Angel Tree ng DOLE, Special Program for Employment of Students, at pinaigting na Labor Inspection program ay ilan din sa mga pangunahing programa ng labor department para tugunan ang child labor.

Nanawagan din si DOLE Undersecretary at National Council Against Child Labor alternate chairperson Atty. Ana C. Dione para sa convergence at harmonized efforts sa mga pangunahing sektor upang wakasan ang pinakamaraming anyo ng child labor.

“Despite different mandates and objectives, our goal is the same—ensure that children are safe from the pernicious effects of child labor,” diin ni Usec. Dione .

Ang dalawang araw na summit, na ginanap sa pakikipagtulungan ng World Vision’s Project against Child Exploitation (Project ACE), ay nilahukan ng mga kasosyo mula sa pambansa at lokal na pamahalaan, non-government, civil society, at sektor ng kabataan. CPSD. Jocelyn Tabangcura-Domenden