Higit 90M official ballots sa BSKE naimprenta na – Comelec

Higit 90M official ballots sa BSKE naimprenta na – Comelec

March 13, 2023 @ 6:51 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nakumpleto na ang pag-imprenta sa mahigit 90 milyong official ballots na gagamitin para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), inanunsyo ngayong Lunes, Marso 13 ng Commission on Elections (Comelec).

Sinabi ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na ang pag-imprenta sa 90,613,426 official ballots ay natapos na ng National Printing Office (NPO) sa Quezon City.

“The ballots numbering over 90 million have been 100 percent printed. Those in the initial voters’ list have already been fully printed,” sabi ni Laudiangco sa Laging Handa briefing.

Kabilang rito ang kabuuang 66,973,949 barangay ballots at 23,639,477 SK ballots na gagamitin sa BSKE sa Oktubre 30.

“We will just need to print those for new voters numbering about 1.6 million. These are those that applied from December 12 to January 31,” dagdag pa nito.

Sa ngayon, tinatapos na ng Comelec ang bilang ng mga matagumpay na aplikanteng botante.

Sa ilalim ng Voter’s Registration Act, lahat ng aplikasyon para sa pagpaparehistro ng botante ay dapat dinggin, iproseso, at aprubahan ng Election Registration Boards (ERBs).

Dagdag pa ni Laudiangco, naihatid na at handa na para sa deployment ang iba pang mga poll supplies at paraphernalias.

Kailangan na lamang aniyang magsagawa ng training para sa mga magsisilbi bilang members of the Electoral Boards (EBs).

“We can really say that your Comelec is 100 percent ready (for the BSKE),” anang tagapagsalita ng komisyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden