Higit P1.4B puslit na yosi, nasabat ng BOC

Higit P1.4B puslit na yosi, nasabat ng BOC

March 3, 2023 @ 7:56 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Tinatayang nasa mahigit P1.4 bilyon halaga ng mga ismagel na sigarilyo ang nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang pagsalakay sa isang bodega sa Indanan, Sulu.

Ayon sa BOC, nagsagawa sila ng pagsalakay kasama ang Wesmincom, 11th Infantry Division ng Philippine Army, PAF-SPOW, Philippine Navy-NAVSOU, at Philippine Navy Naval Forces Mindanao sa isang warehouse na matatagpuan sa Sitio Buotan, Kajatian, Indanan kung saan nadiskubre ang nasa 19,000 kahon o 9.5 milyong pakete ng iba’t ibang tatak ng mga smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng P1.425 bilyon.

Ayon naman kay BOC Deputy Commissioner Juvymax Uy, kabilang sa mga nasamsam nilang iba’t ibang ilegal na mga imported na brand ng sigarilyo tulad ng B&E Ice menthol, Souvenir menthol, New Far menthol, Cannon menthol, BroadPeak Black menthol, at Bravo.

Dahil dito, posibleng nasa P7.6 bilyon ang nalugi na excise, value-added tax, at mga penalties sa gobyerno.

Nabatid sa BOC, ang nasabing operasyon na ang pinakamalaki sa ilalim ng administrasyon ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa mga nakalipas na taon. JAY Reyes