Higit P101M halaga ng smuggled agri products, sinira ng BOC

Higit P101M halaga ng smuggled agri products, sinira ng BOC

April 7, 2022 @ 5:47 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Nasa higit P101 milyong halaga ng mga smuggled agricultural products ang sinira ng Bureau of Customs (BOC) sa Pampanga ngayong araw ng Huwebes, Abril 7.

Ayon kay Port of Subic District Collector Maritess Martin, ang mga iligal na produkto ay kinabibilangan ng mga sibuyas, carrots, isda at iba pang seafood na nadiskubre sa loob ng 14 na 40-footer containers na nakapangalan sa iba’t ibang consignees kabilang ang Zhenpin Consumer Goods Trading, Gingarnion Agri Trading, at Schnell Wert OPC.

Dumating ang mga smuggled products sa bansa noong December 2020 at noong June at December 2021.

Ang mga kargamento ay nasabat ng Port of Subic dahil sa paglabag sa iba’t ibang administrative orders at circular ng Department of Agriculture.

Samantala, sinira ang mga produkto sa pamamagitan ng rendering, shredding, dumping, at thermal decomposition na isinagawa sa mga accredited non-hazardous waste disposal facility sa Pampanga.

Tiniyak naman ni Martin na patuloy ang gagawing pagbabantay ng Port of Subic para mapigilan ang pagpasok sa bansa ng mga ipinagbabawal na produkto. RNT/ JCM