Higit P104M smuggled items, nasabat ng BOC sa MICP

Higit P104M smuggled items, nasabat ng BOC sa MICP

February 25, 2023 @ 3:24 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Tinatayang nasa higit P104 milyon halaga ng mga ismagel na sibuyas, asukal at mga sigarilyo ang naharang ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang magkakasunod na inspeksyon sa Manila International Container Port (MICP).

Ayon kay BOC Commissioner Bienvenido Rubio, ang smuggled items ay nakarating sa bansa sa walong shipments kung saan ang lima dito ay nagmula sa China, dalawa mula sa Hong Kong, at isa mula sa India, sa pagitan ng Disyembre 29 noong nakaraang taon hanggang Pebrero 10 taon kasalukuyan.

Ayon sa BOC, ang mga ahente ng Customs Intelligence and Investigation Service sa pangunguna ni Intelligence Officer 3 Alvin Enciso ay nagsagawa ng magkakasunod na inspeksyon ngayong buwan batay na din sa impormasyong kanilang natanggap hinggil sa pagdating ng mga smuggled items bilang bahagi ng kanilang regular na anti-smuggling operations.

Sinabi ni Enciso na ang walong kargamento ay sinuri sa pagitan ng Pebrero 17 at 23, ngayong taon matapos ang pag-iisyu ng Alert Orders (AOs) batay sa impormasyon na kanilang natanggap.

Nabatid naman kay BOC Deputy Commissioner for Intelligence Group Juvymax Uy, ang tatlong nagsilbing consignee ng mga kargamento ay inatasan na magpakita ng tamang permit para sa pag-aangkat ng mga nasabing kalakal.

Aniya, sakaling walang maipakitang mga kaukulang dokumento ay magsasagawa ang BOC ng kaukulang seizure at forfeiture proceedings laban sa mga kontrabando dahil sa paglabag sa Sec. 1400 (misdeclaration in goods declaration) na may kaugnayan sa Sec. 1113 (property subject to seizure and forfeiture) ng Republic Act No. 10863 na kilala bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at Republic Act 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.

Ang mga rekord ng kaso ay ipapasa din sa Action Team ng Bureau Against Smugglers (BATAS) para sa pagsasampa ng kaukulang kaso at kasong kriminal laban sa mga responsable sa iligal na pag-angkat ng nasabing mga produktong agrikultura. JAY Reyes