Higit P144M shabu nasamsam sa NAIA

Higit P144M shabu nasamsam sa NAIA

August 20, 2022 @ 2:45 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Tinatayang nasa higit P144 milyon halaga ng shabu ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Port of NAIA sa isang South African national na nagsilbing courier na nagresulta sa kanyang pagkaka-aresto nitong Biyernes sa Pasay City.

Nabatid sa BOC na minomonitor nila ang biyahe ng inarestong dayuhan na nagmula sa South Africa patungong Qatar hanggang sa makarating ito sa bansa.

Nauna dito, isinailalim sa K9 sweeping at X-scanning ang bagahe ng dayuhang suspek na nagresulta sa pagkakadiskubre ng may 21.215 kilo ng methamphetamine hydrochloride o mas kilala na shabu.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang dayuhang suspek at isinailalim sa inquest dahil sa paglabag sa Republic Act (RA) No. 9165 o ang Comprehensive Drug Act, at RA 10863 na mas kilala na Customs Modernization And Tariff Act (CMTA). JAY Reyes