Higit P19M agri product winasak ni Florita

Higit P19M agri product winasak ni Florita

August 26, 2022 @ 7:52 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Umabot sa P19.1 milyon ang tinatayang halaga ng pinsala at pagkalugi sa agrikultura dulot ng Severe Tropical Storm “Florita,” ayon sa ulat ng Department of Agriculture (DA) nitong Huwebes.

Nasapul naman ang nasa 1,132 metriko tonelada (MT) na agriculture products na nakaapekto sa 1,286 magsasaka at 1,833 ektarya ng lupang pang-agrikultura.

Ang mga pananim na palay pa rin ang pinaka-apektadong kalakal sa mga lalawigan ng Ilocos Norte, Aurora, at Zambales, na may kabuuang volume loss na 699 MT na nagkakahalaga ng P11.71 milyon.

Tinamaan din ang mais na may volume loss na 430 MT, o P7.31 milyon halaga ng pinsala sa mga lalawigan ng Kalinga at Ilocos Norte.

Ang mga high-value crops sa Ilocos Norte, partikular na ang iba’t ibang gulay, ay dumanas din ng volume loss na 3 MT na nagkakahalaga ng P81,000.

Sa kabila ng malaking pagkalugi, tiniyak ng DA sa publiko na hindi apektado ang paggalaw ng mga produktong gulay sa Cordillera Administrative Region dahil walang makabuluhang road network ang naapektuhan ng “Florita.”

Samantala, tiniyak din ng DA na ibibigay nito ang mga sumusunod na tulong sa mga apektadong magsasaka at mangingisda:

  • 69,046 sako ng binhi ng palay, 3,840 sako ng buto ng mais, at 600 kilo ng sari-saring buto ng gulay mula sa mga apektadong rehiyon;

  • Mga gamot at biologic para sa mga alagang hayop at manok;

  • Fingerlings at tulong sa mga apektadong mangingisda mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR);

  • Survival and Recovery (SURE) Program ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC); at

  • Quick Response Fund (QRF) para sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar.

RNT