Higit P1M shabu nasabat sa Antipolo

Higit P1M shabu nasabat sa Antipolo

March 17, 2023 @ 7:30 PM 4 days ago


MANILA, Philippines – Nakumpiska ang tinatayang nasa mahigit P1 milyon halaga ng shabu sa kahabaan ng Sitio Culasisi, Brgy. San Luis, Antipolo City nitong Huwebes, Marso 16.

Nagresulta ito sa pagkakadakip sa isang indibidwal sa pagbebenta ng illegal na droga.

Ayon sa imbestigasyon ng Antipolo City Police Station sa pangunguna ng hepe na si PLTCOL June Paolo Abrazado, matagumpay na naaresto ng mga pulis si Rico Abit y Regajal alyas Christian, 29-anyos, isang high-value individual na nakatira sa Quezon City.

Nakumpiska mula sa suspek ang siyam na pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu at may kabuuang bigat na humigit kumulang 150 gramo at nagkakahalaga ng P 1,020,000.

Dinala na ang mga nakuhang shabu sa Rizal Provincial Forensic Unit para sa tamang dokumentasyon at disposisyon.

Samantala, kasalukuyang nakapiit ang suspek sa Antipolo Custodial Facility na nahaharap sa reklamong paglabag sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Pinuri naman ni PCOL Dominic Baccay, Provincial Director ng Rizal Police Provincial Office ang naging matagumpay na operasyon at nanindigan ito na ang mga pulis-Rizal ay lalong nagsisigasig upang mahuli ang mga taong patuloy na tumatangkilik at nagbebenta ng iligal na droga sa probinsya. Maritess Pumaras